Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pagpapahayag. Ipakita ang lahat ng mga post
Ipinapakita ang mga post na may etiketa na pagpapahayag. Ipakita ang lahat ng mga post

Linggo, Oktubre 4, 2015

SANAYSAY KO PARA SA'YO

Bawat isa sa atin ay hindi perpekto, may mga tao pa ring madalas magkamali sa pagsasalita o pagsusulat man na paraan. Dalawa kasi ang uri ng katangian ng bawat tao: maingay at tahimik.

Madalas sa mga maiingay ay puro salita, maganda rin ito dahil direkta mong nasasabi ang iyong opinyon sa isang paksa kasama ang iyong emosyon sa pamamagitan ng iyong mga ekspresyon. At agaran mo rin naman nalalaman ang opinyon ng iyong kausap.

Karaniwan naman sa mga tahimik ay hindi nagsasalita. Kaya napakahalaga ng sanaysay sa kanila. Dito kasi madalas ang gawi nila upang makapagpahayag ng saloobin o opinyon sa isang bagay. Sa pamamaraang ito ay marahil nakapagpapagaan ng kanilang kalooban. Sa kabilang dako, may mga tao rin namang mas mahilig magbasa kaysa makinig. Ang pagsulat din ng sanaysay ay isa sa mabilis na paraan upang mas maraming tao ang magkaroon ng kaalaman tungkol sa iyong pinapaksa. Katulad dito sa Social Media sites ay ilang pindot lang sa keyboard at isang click ng 'post' marami ng makababasa na mas maganda kung ikukumpara sa pasalita. Hindi mo rin naman siguro gugustuhing isa-isahin ang bawat tao upang pahayagan lamang ng iyong opinyon. Wala namang pangit na nagagawang sanasay ang bawat susmusulat nito. Kaya marahil ay natin bigyan-halaga o pagrespeto ang baawat isa sa kanila. Tayo ay hindi perpekto. Nagkakamali man minsan, hindi rin naman nila ito kagustuhan. Sa bawat typographical errors, wrong spellings atbp. ay hindi naman siguro sapat na dahilan upang tumigil na sa pagsusulat dahil minsan ay dala lang ito ng 'di magandang pagkakataon.

Kaya ngayon, gumawa ka na ng sanaysay at babasahin ko. Ngunit sa pamamaraang man ito o pasalita ay mabuti na rin ang maging maingat sa pagbibigay ng kuro-kuro. Lagi mong tatandaan na dapat ay wala kang natatapakan na tao.

Huwebes, Agosto 27, 2015

TROJAN WAR

Sa pagdaan ng panahon napakaramarami ng mga palabas ang umusbong maaring ito ay patungkol sa mga pag-ibig, kabayanihan, at mga modernong kaisipan sa panahon ngayon. Kadalasan ay may natututunan tayo sa mga ito, may mga pagkakataon pa nga na nakararamdam tayo ng pagkainis sapagkat natatalo ang bida at hindi nagkakaroon ng happy ending. Isa sa mga pelikulang napanood ko ay ang Trojan War, masasabi kong iba ito sa mga napanood ko na, dahil sa kakaibang twist na inihahatid nito sa mga manonood na siya naman ring kapupulutan ng aral tulad ng pagtalakay nito sa pag-ibig, pagiging magiting, kabayanihan, at higit sa lahat ang Kasaysayan na ibinibida kung ano ang meron sa mga Greek noong nagsisimula pa lamang nilang hubugin ang kanilang pamumuhay patungo sa kasalukuyan.

Nagsimula ang nasabing pelikula sa pag-ibig. Nang dahil sa angking ganda ni Helen, siya ay pinag-aagawan ng mga prinsipe. Siya ay sumama kay Paris patungong Troya at iniwan ang kaniyang asawa na si Menelaus, dahil dito ay nagpahayag ng digmaan si Menelaus laban sa Troya upang mabawing muli ang kaniyang reynang si Helen. Marahil ay kung hindi siguro ipinuslit ni Paris si Helen ay wala ng gulo, at hindi na magkakaroon ng digmaan sa pagitan ng mga taga-Troya at taga-Isparta. At sa pangyayaring ito, mahihinuha ko na iba ang nagagawa ng pag-ibig sa sangkatauhan.

Sa digmaang ito, si Achilles at Hector ang mga pinakamagigiting na mandirigma. Patunay rito ay nang sabihin ni Hector kay Patroclius na, “These are the days of my glory, and perhaps Achilles himself will fall to my sword”, isa rin ito sa mga katagang hindi ko malilimutan, dahil dito ipinahihiwatig ang angking katapangan at kalakasan ni Hector, maging na rin ni Achilles. Sa laban din nilang ito pinairal ng dalawa ang kanilang ginagawa ay para sa pag-aalay at pagsasakripisyo  sa kanilang mga diyos, bayan at minamahal.

Sa kabilang dako, hindi ko rin malilimutan ang angking kahusayang ipinakita ng mga Griyego. Dahil sa pagbuo ng malaking Kabayong kahoy o Wooden Horse sila ay nagwagi, tinatawag rin itong “Kabayong Troyano”. Ito ang naisip na paraan ni Odyssues sapagkat nahihirapan silang pasukin ang Troy dahil sa mga tauhang mahuhusay pagdating sa pagpapana o archers. Naisagawa nila ito sa paraang may mga tauhan ang Griyego na naglagay ng Kabayong kahoy sa dalampasigan at lumisan sa pamamagitan ng kanilang mga Bangka. Nakita ang Kabayo ng mga Troyano at inisip na hudyat na ito ng pagsuko ng mga Griyego at pagtigil sa pag-aasam na magwagi sa laban, inisip nila na isa itong handog mula sa mga Griyego. Hinila ng mga Troyano ang Kabayo papasok sa Troya at nagdiwang sa inaakalang pagkapanalo sa digmaan. Dahil ang hindi nila alam na may mga mandirigmang Griyego ang nakakubli sa loob ng Kabayong kahoy at sa pagsapit ng gabing iyon, naglabasan sila at binuksan ang mga tarangkahan at sinunog ang mga kabahayan. Isa pa sa mga nakagugulat, ay ang mga Griyegong naghatid ng kabayo at umalis gamit ang mga Bangka ay isa lamang pa lang pagpapanggap dahil sila ay nagtago sa likod ng mga pulo at nagbalik sa gabing iyon hudyat na napagwagian nila ang digmaan.

Sa karagdagan, Isa pa sa mga hindi ko malilimutang parte ng pelikula ay noong magpanggap si Patroclius, pinsan ni Achilles, na siya ang si Achille kaya mangyaring napatay siya ni Hector. At bilang paghihiganti tinalo at pinatay rin ni Achilles sa isang laban si Hector, na nakita kong mali dahil hindi ito kasalanan ni Hector, dahil nag-ugat ito sa kawalan ng pagbibigay halaga ni Patroclius sa kaniyang buhay dahil kung mahal niya ang kaniyang buhay ay hindi siya magpapanggap at lalaban sa taong hindi naman niya kapantay ang lakas. At kung hindi rin naman niya inangking siya si Achilles ay hindi rin siya papatayin ni Hector.

Sa pagtatapos, maihahalintulad ko ito sa mga napanood ko nang palabas na hindi happy ending, dahil ang tauhang pinakahahangaan ko sa kagitingan, katapangan at kalakasan ay natalo sa hindi sinasadyang pagpunterya sa kaniyang kahinaan, espisipikong si Achilles nang mapana siya ni Paris sa kaniyang sakong.


Sa lahat ng ito, kaiba ang aking nararamdaman sa panonood ng Trojan War dahil marami akong natutunan sa mga aspetong ibinida nila rito- pagmamahalan, katapangan o kung ano pa man. Marami rin akong mga natutunan lalong-lalo na sa kasaysayan ng mga Griyego. Nakabibilib ang kanilang mga paniniwala sa mga Diyos na kaiba sa lahat. Ang mga Diyos na kanilang kinikilala ay tila isang pangkaraniwang tao lamang na nakararamdam ng pagmamahal, sakit, ligaya atbp. maging ang kamatayan ay kanilang nararanasan.


Picture Source:

Lunes, Agosto 24, 2015

SALOOBIN KO SA SALOOBIN MO

         Paano nga ba maipahahayag ang saloobin natin tungkol sa isang bagay, tao o ano pa man? Paano natin ito magagawa ng hindi nakasasakit ng damdamin ng iba? Maari ba tayong magbigay ng saloobin sa lahat ng oras?

   Sa mga Makata, ay may ibat-ibang paraan ng pagpapahayg ng saloobin. Mayroong mga makatang gumagamit lamang ng bolpen at papel upang magbigay opinyon sa paksa, tulad ng sa dyaryo- ang pamamaraang ito ay mas kinikilalang pagpapahayag ng pasulat. Sa kabilang dako, maaring makapagpahayag rin ang isang tao ng kaniyang saloobin sa pamamaraan ng pasalita, halimbawa ng sa Telebisyon.

    Sa karagdagan, para sa akin, ay marami pa talagang paraan ng pagpapahayag gaya ng sa mga pipi o tinatawag na sign language sapagkat sila ay walang kakayahang magsalita. Mayroon rin namang dulot ng makabagong teknolohiya tulad ng sa blog na ito na minsang nagsisilbi bilang labasan ng damdamin.

     Sa lahat ng ito, ano man ang pamamaraang ginamit ay hindi dapat natin malimutan ang respeto sa bawat isa sa kabila ng mabuti o masama niyang ginawang binigyan natin ng reaksyon sapagkat ito ay karapatan niya bilang tao. At dapat rin nating alalahanin na hindi sa lahat ng oras ay marapat tayong magpahayag ng saloobin lalo na't lumalagpas na tayo sa sariling limitasyon at sa puntong panghihimasok sa buhay ng ibang tao dahil kadalasan ay wala tayong awtoridad na gawin ito- sa ngalan man ng batas.